Sayang Na Pag-ibig (Jeanette La Roque)


Sayang, mahal, sayang ang aking pag-ibig;
Pagkat ang singsing ko’y nahulog sa batis;
Kung ikaw, binate, sa aking mangingibig;
Hihintayin ko nang kumati ang tubig.

Lalaking pangahas naghandog sa akin
Gayong alam ko’ng ikaw’y sinungaling!
Bakit di na lang, kamote’ng itanim
At magdayatan ka upang may anihin.

Lalaki nga naman, kapag nanliligaw
Sa dalagang mahal, laging nakabantay;
Bihis na bihis pa ang buong katawan,
Pero iyang bulsa, wala namang laman.

Sanay na sanay ka sa pagsisinungaling,
Kay husay mo namang maglubid ng buhangin;
Kung ako’ng babaing iyong iibigin,
Maraming pagsubok na dapat kang tupdin.

May binate akong minsa’y natuklasan
Sa ibang dalaga’y pumanhik ng ligaw,
Magulang ng babae ay nasa pintuan
Di man lang pinansin, walang bigay-galang.

Iyan ba ang tamang lalaking iibigin?
Wala nang paggalang, daig pa ang baliw?
Kung minamalas at ako’y nahumaling,
Nanaisin ko pang buhay na malibing.

Ang singsing ko, irog, naglaho sa dilim,
Hindi masisisid pagkat ubod lalim.
Gayon ang pag-ibig na dapat tanggapin,
Ang sagot na oo, mahirap liripin.

Ano ang pag-ibig sa binatang hangal
Pangahas suminta sa babaeng parang?
Lalakbaying landas agad humihingal;
Putik lulusungin, takot mabahiran.

hk

Dapat bang ibigin lalaking pangahas?
Walang tiyaga mandin, labis na matamad!
Hangad niyang abutin maging alapaap,
Hangal na lalaki mataas mangarap.

Hanap nitong puso’y lalaking masipag
At hindi batugan sa trabahong hangad.
Ayaw kong magutom, mamatay nang dilat;

Pangarap kong buhay payapa’t maunlad!

No comments:

Post a Comment